
Cauayan City – Hindi nakatakas ang isang lalaking dumayo pa sa lungsod ng Cauayan para magbenta ng shabu matapos makorner ng kapulisan sa Brgy. District 3, Cauayan City, Isabela.
Ang suspek ay kinilalang si alyas “Renz”, 37-anyos, residente ng Brgy. Antonino, Alicia, Isabela.
Sa ulat mula sa Cauayan City Police Station, nadakip ang suspek matapos positibong mabentahan ng ilegal na droga ang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakuha mula sa kanyang pag-iingat ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.20 grams na nagkakahalaga ng P1,360 kasama ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay na 500 peso bill at isang pekeng 500 peso bill, cellphone, lighter, at sigarilyo.
Matapos ang pagkakadakip, dinala ang suspek at ang mga nasamsam na ebidensya sa Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










