Mariing nagbabala ang Public Alert Response Management Center (PARMC) ng Dagupan City sa publiko matapos umabot sa danger levelang heat index na inaasahang papalo sa 42°C ngayong Abril 28, 2026.
Sa anunsyo ni Ms. Melykhen R. Bauzon, Officer-In-Charge ng PARMC, sa flag raising ceremony noong Abril 27, iginiit ang agarang pag-iingat laban sa matinding init na banta sa kalusugan.
Ayon sa PARMC, mahigpit na iwasan ang direktang sikat ng araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon na oras kung kailan pinakamataas umano ang heat index.
Partikular na pinaalalahanan ang mga traffic enforcers at iba pang outdoor workers na limitahan ang pagbababad sa init upang maiwasan ang heat exhaustion na maaaring mauwi sa nakamamatay na heat stroke.
Kaugnay nito, noong Abril 27, naitala na sa 41°C ang heat index na nasa extreme caution,hudyat ng patuloy na paglala ng init sa lungsod.
Matatandaang nilinaw ng PAGASA Dagupan na ang maalinsangang panahon ay dulot ng umiiral na weather systems sa bansa na pinalalala ng mataas na humidity dahil sa lokasyon ng lungsod na malapit sa karagatan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








