Thursday, June 4, 2026

𝗢𝗡𝗘-𝗪𝗔𝗬 𝗦𝗖𝗛𝗘𝗠𝗘 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗡𝗔𝗚𝗗𝗨𝗟𝗢𝗧 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗟𝗜𝗧𝗨𝗛𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗢𝗧𝗢𝗥𝗜𝗦𝗧𝗔

CAUAYAN CITY – Nagdala ng kalituhan sa ilang mga motorista ang isinasagawang eksperimento ng Public Order and Safety Division na One-Way Traffic Scheme sa lungsod ng Cauayan.

Umani ng sari-saring reaksyon mula sa publiko ang nasabing eksperimento sa unang araw palang ng eksperimento. Ayon sa ilang mga tricycle drivers, nakakalito umano ito at mas napalala nito ang bigat ng daloy ng trapiko.

Hindi rin umano sapat ang isinagawang pag-aanunsyo sa mga social media platforms at ang pag-iikot ng rikorida lalo na at nagbabago naman umano ang ilan sa mga itinalagang one-way na daanan.

Katulad na lamang ng tricycle driver na si “Raul” na tumangging magbigay ng kanyang tunay na pangalan, sinabi nitong dapat pag-aralang mabuti ang eksperimento dahil bahihirapan sila lalo na pagpasok sa overpass kung saan ang kanilang paradahan. Aniya, kung nakalampas na umano sila ay hindi na sila makakabalik pa at kinakailangan umikot pa ng may kalayuang distansya.

Samantala, sa panayam naman ng IFM Newsteam kay Ginoong Rey Ochoa, sa ngayon ay medyo maayos pa ang daloy ng trapiko sa mga kalsada subalit malaki umano ang posibilidad na lumala ang traffic sa lungsod sa darating na pasukan dahil tiyak na iba’t-ibang uri ng sasakyan ang magsasabay-sabay sa kalsada.

Sinabi naman ni Ginoong Antonio Mendoza, isang tricycle driver, na makakatulong naman ang bagong scheme ito sa paghuli sa mga kolorum dahil mahihirapan umano silang maka-iwas kung may nanghuhuli sa daan. Gayunpaman, sinabi niyang makikita ang tunay na epekto ng eksperimento sa pagsisimula ng klase ngayong darating na Lunes.

Samantala, sa pahayag ni POSD Chief Pilarito Malillin, sinabi nitong ayon sa kanilang obserbasyon ay medyo maayos naman ang One Way scheme mula una hanggang ikatlong araw ng implementasyon nito.

Ayon pa sa kanya, naging masusi ang paghahanda ng kanilang opisina para dito. Dagdag pa niya, inabot ng isang buwan ang kanilang preparasyon partikular sa mga signages na inilagay para sa mga motorista.

Sa huli, lininaw naman ni Ginoong Malillin na eksperimento palang ang isinasagawang One-way Scheme at bukas ang kanilang tanggapan sa anumang suhestiyon mula sa publiko.

Facebook Comments