
Dismayado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kontrobersyang kinasasangkutan ngayon ng Senado, kabilang ang umano’y pekeng insidente ng pamamaril noong May 13.
Sa Kapihan with the Media sa Japan, sinabi ng pangulo na malaki na ang ipinagbago ng Senado kumpara noong siya ay nagsisilbi pa bilang senador.
Ayon kay Marcos, bagama’t may matitinding debate at hindi pagkakasundo sa mga panukalang batas noon, nananatiling propesyonal ang mga senador at hindi nauuwi sa personalan ang mga alitan.
Aniya, tila naging personal na ang mga sigalot sa Senado at umabot pa sa insidente ng umano’y pamamaril na kalaunan ay napatunayang hindi totoo.
Binanggit din ng pangulo ang iba pang isyung kinakaharap ng Senado, kabilang ang puna ni dating Senate President Franklin Drilon sa umano’y pagkakanlong ng Senado sa isang senador na may kinakaharap na warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Marcos na hindi niya maintindihan kung paano umabot sa ganitong sitwasyon ang Senado at umaasa siyang agad na mareresolba ng mga senador ang mga problemang kinakaharap ng institusyon.










