Wednesday, June 24, 2026

Ekonomiya ng Pilipinas, apektado ng sitwasyon sa Senado — Palasyo

Naniniwala ang Malacañang na maaapektuhan ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa sitwasyon sa Senado matapos hindi sumipot ang majority senators sa sesyon ng Senado.

Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na apektado rin ang taumbayan sa kasalukuyang ingay at gulo dahil maraming mga priority bills ang hindi agad umuusad.

Sa ngayon ay may dalawang araw na lang ang Senado bago ang kanilang sine die adjournment sa June 6 at sa July na ulit magbubukas kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Samantala, may pasaring naman si Castro sa kasalukuyang liderato ng Senado matapos magkasagutan kahapon sina Senate President Alan Peter Cayetano at Interior Secretary Jonvic Remulla nang aarestuhin si Senator Jinggoy Estrada.

Una nang nanawagan si Cayetano sa minority bloc na makiisa sa pagtatanggol sa kalayaan at integridad ng Senado dahil sa umano’y panggigipit sa institusyon.

Hindi lamang din daw simpleng political disagreement ang kinahaharap ngayon ng Senado kundi isang mas malalim na usapin hinggil sa kakayahan ng Institusyon na manatiling malaya sa gitna ng mga pressure at impluwensiya mula sa labas.

Binanggit pa ni Cayetano ang umano’y sunod-sunod na pressure at mga bantang pagpapaaresto sa iba pang mga miyembro ng mayorya, kabilang sina Senador Francis “Chiz” Escudero, Senador Rodante Marcoleta, at Senador Joel Villanueva.

Facebook Comments