Thursday, June 4, 2026

𝗣𝗔𝗦𝗔𝗟𝗨𝗕𝗢𝗡𝗚 𝗖𝗘𝗡𝗧𝗘𝗥, 𝗠𝗔𝗚𝗣𝗔𝗣𝗔𝗟𝗔𝗞𝗔𝗦 𝗦𝗔 𝗠𝗦𝗠𝗘𝘀 𝗔𝗧 𝗧𝗨𝗥𝗜𝗦𝗠𝗢 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗡𝗨𝗘𝗟, 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔

Cauayan City – Mas mapapalawak ang merkado ng mga lokal na producer at maliliit na negosyante sa bayan ng San Manuel, Isabela matapos ang inagurasyon at turnover ng bagong tayong Pasalubong Center.

Ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng FY 2024 Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) at ipinatupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Office 2 sa pamamagitan ng Regional Project Development and Management Unit, katuwang ang DILG Isabela Provincial Office at ang lokal na pamahalaan ng San Manuel.

Ayon kay Mayor Faustino U. Dy IV, magsisilbing sentrong pamilihan ang Pasalubong Center para sa mga produktong lokal kung saan maaaring maipakita at maibenta ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang kanilang mga produkto. Inaasahan din aniya na makatutulong ito sa pagpapalakas ng turismo sa kanilang bayan.

Bagama’t limitado ang pondo, tiniyak ng alkalde na inilaan ito sa proyektong lilikha ng pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan ng mga residente.

Dagdag pa niya, makatutulong ang pasilidad hindi lamang sa promosyon ng lokal na produkto kundi maging sa pagpapasigla ng mga aktibidad na may kaugnayan sa turismo, na magbubukas ng dagdag na kita para sa mga artisan, magsasaka at negosyante.

Pinuri rin ni DILG Region 2 Assistant Regional Director Elpidio A. Durwin, na kumatawan kay Regional Director Agnes De Leon, ang matagumpay na implementasyon ng proyekto.

Aniya, iginagawad lamang ang SGLGIF sa mga LGU na nakapapasa sa mahigpit na pamantayan ng Seal of Good Local Governance.
Samantala, pinasalamatan din ni DILG-Isabela Cluster Head Karla Bernadette M. Aldea-Rollan ang lokal na pamahalaan sa patuloy nitong pagpasa sa naturang parangal, at iginiit na ang mahusay na pamamahala ay nakasalalay sa matibay na pagtutulungan ng mga lokal na lider at mga stakeholder.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments