
Nilinaw ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero ang naging batayan ng kanyang desisyon na lumipat ng grupo matapos siyang magpakita kahapon sa sesyon, na nagresulta sa pagkakaroon ng quorum at pagbabago sa komposisyon ng liderato at mga committee chairmanship.
Ayon kay Escudero, ang kasalukuyang impasse o hindi pag-usad ng Senado sa mga nakalipas na araw ay hindi na niya maaaring ipagtanggol at hindi katanggap-tanggap.
Iginiit niya na kapag ang pagkakahati-hati sa politika ay sobra na at nagiging hadlang sa pagganap ng mandato, kinakailangan umanong magpakita ng tapang sa pag-prayoridad ng institusyon at ng mga pinaglilingkuran, at hindi ng pansariling interes.
Binigyang-diin ni Escudero na hindi ito isang political contest at wala siyang kinikilingan, kundi naninindigan lamang siya para sa Senado.
Anya, ang lumalalang tensyon sa pagitan ng mga senador ay nakaaapekto na sa kanilang tungkulin sa bayan, kaya ito ang naging pangunahing dahilan ng kanyang desisyon na lumipat ng ibang bloke.
Humiling si Escudero ng pang-unawa at panalangin upang malampasan ang mga hamon sa Senado at magampanan nila ang kanilang tungkulin sa sambayanan.










