
CAUAYAN CITY – Dalawang pasahero ng isang tricycle ang nasawi habang tatlo pa ang nananatiling nasa kritikal na kondisyon matapos masangkot sa banggaan sa isang van sa Barangay Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya.
Batay sa imbestigasyon ng Bambang Municipal Police Station, lumalabas na binabaybay ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na direksyon.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, bigla umanong lumiko pakaliwa ang tricycle dahilan upang mabangga ito ng van sa kabilang linya.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang 63-anyos na driver ng tricycle at ang apat nitong pasahero sa kalsada at nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Agad naman silang isinugod sa ospital ng MDRRMO Bambang, ngunit sa kasamaang palad a binawian ng buhay ang dalawang lalaki habang nilalapatan ng lunas.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang tatlo pang sugatang sakay ng tricycle na nananatiling nasa kritikal na kondisyon.
Samantala, nasa kustodiya na ng Bambang PNP ang driver ng van at nahaharap sa kaukulang kaso kaugnay ng insidente.










