Tuesday, June 2, 2026

𝗦𝗨𝗡𝗢𝗚,𝗦𝗨𝗠𝗜𝗞𝗟𝗔𝗕 𝗦𝗔 𝗧𝗔𝗡𝗚𝗚𝗔𝗣𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗣𝗥𝗖 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬

CAUAYAN CITY- Isang sunog ang sumiklab sa tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) sa BGD Sports Complex, Brgy. Tagaran, Cauayan City nitong unang araw ng Hunyo.

Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City at nakontrol ang apoy bago pa ito tuluyang kumalat sa iba pang tanggapan sa gusali.

Sa naging panayam ng IFM News Team kay Juan Alilam Jr. Regional Director ng Professional Regulation Commission (PRC) Regional Office II sinabi nitong isa umano sa mga tinitingnang dahilan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City na posibleng pinagmulan ng sunog ay ang sobrang suplay ng kuryente na kung saan ang normal na boltahe na 240 volts ay umabot umano sa 314 volts.

Dagdag pa niya, pansamantalang sinuspinde ang ilang serbisyo ng PRC sa nasabing tanggapan kabilang ang pagproseso ng mga aplikasyon, pag-renew ng Professional Identification Card (PIC), at iba pang transaksyon.

Ayon pa sa opsiyal, wala namang mahahalagang dokumento ang nadamay sa sunog at tanging isang computer unit lamang ang bahagyang naapektuhan ng apoy.

Patuloy namang inaalam ng mga kinauukulan ang eksaktong pinagmulan ng sunog habang isinasagawa ang masusing pagsusuri sa lawak ng pinsala sa gusali.

Samantala, tiniyak ng pamunuan ng PRC na kanilang gagawin ang lahat upang maibalik agad sa normal ang operasyon ng tanggapan at maipagpatuloy ang serbisyo sa publiko.

Facebook Comments