Saturday, November 21, 2026

Mas mahigpit na rules sa validity ng agricultural import permits at malinaw na koordinasyon ng mga ahensya laban sa smuggling, isinusulong ng isang senador

Isinusulong ni Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform Chairman Senator Kiko Pangilinan ang mas mahigpit na koordinasyon sa mga ahensya ng gobyerno at mas malinaw na panuntunan sa validity o bisa ng agricultural import permits.

Kaugnay ito sa isinagawang pagdinig ng komite tungkol sa tangkang iligal na pagpasok ng smuggled na bigas mula sa Vietnam sa Davao at Bataan noong Setyembre na aabot sa P700 million.

Binigyang diin ni Pangilinan na ang agricultural smuggling ay hindi lang usapin ng isyu tungkol sa kita at law enforcement kundi ito ay seryosong banta sa kabuhayan ng mga magsasaka at sa food security ng bansa.

Tinukoy sa pagdinig na ang MV Tay Son 2 na may dalang 12,500 metrikong tonelada ng bigas ay nagtangkang umalis ng port of Davao nang hindi man lamang kinukumpleto ang kinakailangang Customs processing na nagudyok sa Philippine Navy na harangin at hulihin ang mga lulan ng barko.

Ang MV Lucky Star naman na nahuli sa Port of Limay ay dahil hindi naman akma ang nakatala sa import permit sa aktwal na nilalaman ng shipment na nasa 7,500 metric tons ng smuggled na bigas.

Kinukwestyon din ni Pangilinan kung bakit ang import permit ay nananatiling valid kahit lagpas na ito sa deadline ng delivery.

Ipinapanukala ng mambabatas na amyendahan ang kasalukuyang regulasyon para matiyak na ang mga import permits ay otomatikong mapapawalng-bisa kapag ang napagkasunduang petsa ng delivery ay hindi natupad.

Facebook Comments