Cauayan City, Isabela- Isinailalim sa total lockdown ang sampung (10) barangay sa Lungsod nng Ilagan.
Sa naging pahayag ni City Mayor Jay Diaz, bunsod na rin ito ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Ang mga barangay na naka total-lockdown ay kinabibilangan ng barangay Bliss Village, Malalam, Baculud, Naguilian Norte, Nagulian Sur, Sta. Barbara, Centro Poblacion, Calamagui 1st, Calamagui 2nd at Baligatan.
Ayon sa alkalde, hindi aniya nito inasahan ang biglaang paglobo ng COVID-19 cases sa Lungsod na kanyang ikinababahala.
Nagsimula nang isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong siyudad ng Ilagan noong ika-6 ng Oktubre na magtagagal hanggang Oktubre 16, 2020 matapos hilingin ni City Mayor Jay Diaz kay Isabela Governor Rodito Albano III sa bisa na rin ng Executive Order no. 36 series of 2020 na inilabas ng Provincial Government ng Isabela.
Mensahe naman nito sa publiko na makiisa sa pagbibigay ng aksyon para mapigilan ang patuloy na pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Nagbabala din ang alkalde sa lahat ng mga Ilagueño na kung hindi susunod sa mga ipinatutupad na guidelines at protocols sa MECQ ay hindi ito mangingimi na magpataw ng karampatang parusa.