Aabot sa 1,700 na mga batang nag-aaral sa Child Development Centers (CDC) sa Dagupan City ang makikinabang sa Supplementary Feeding Program (SFP) sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kabilang sa mga ipinamahaging suplay ang mga produktong agrikultural, manok, isda, karne, itlog at bigas na gagamitin upang mapabuti ang nutritional status ng mga bata mula sa 46 na Child Development Centers sa lungsod.
Katuwang sa pagpapatupad ng programa ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO), upang matiyak ang maayos na implementasyon nito sa loob ng 120 araw.
Dumalo rin sa pagtanggap ng mga suplay sina DSWD Project Development Officer I at Provincial Coordinator Jahnnela Faith Bonilla, SFP Focal Person Maria Angela Aquino, at mga Child Development Center worker.
Layunin ng programa na matugunan ang pangangailangang pangnutrisyon ng mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang masustansiyang pagkain at makatulong sa kanilang malusog na paglaki at pag-unlad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









