Itinaas sa Blue Alert Status ang kahandaan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council o MDRRMC ng Pozorrubio, Pangasinan, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Rosal.
Isinagawa ang hakbang kasunod ng Pre-Disaster Risk Assessment Meeting ng mga kinauukulang tanggapan noong Oktubre 21, kung saan sinuri ang mga pagtataya ng PAGASA at tinukoy ang mga kinakailangang paghahanda bago pa man maranasan ang posibleng epekto ng bagyo.
Kasabay nito, inactivate na rin ang mga response cluster team na tututok sa kalusugan, seguridad at kaayusan, pag-iwas at pagtugon sa sunog, clearing operations, damage assessment, at pamamahala ng mga evacuation center.
Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, Municipal Planning and Development Coordinator, Municipal Engineering Office, Rural Health Unit, Municipal Budget Office, Municipal Agriculture Office, Local Disaster Risk Reduction and Management Office, at Municipal Mobile Task Force ng Pozorrubio.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, pinatitibay ng lokal na pamahalaan ang koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan upang matiyak ang kahandaan sa pagtugon sa anumang posibleng epekto ng Bagyong Rosal. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










