
Dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na “bookies” ang nasakote sa magkasunod na anti-illegal gambling operations ng San Nicolas Municipal Police Station (MPS) noong tanghali ng Abril 14, 2026.
Unang naaresto alas-12 ng tanghali ang isang 58-anyos na babae matapos maaktuhang tumatanggap ng taya para sa Small Town Lottery (STL) nang walang kaukulang dokumento.
Narekober sa kanya ang ₱718 na bet money, isang booklet ng mga numero, at bolpen.
Makalipas ang 30 minuto, alas-12:30 ng tanghali, sunod namang naaresto ang isang 68-anyos na babae sa kaparehong ilegal na aktibidad.
Nasamsam mula sa kanya ang ₱1,511 na bet money, booklet, mga papelitos na may nakasulat na numero, at ilang panulat.
Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 na inamyendahan ng Republic Act 9287 ang mga suspek.
Mahigpit naman na nagbabala ang mga awtoridad sa publiko laban sa paglahok sa anumang uri ng ilegal na sugal sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










