2 umano’y hitman, arestado sa Maynila

Manila, Philippines – Kalaboso ang dalawang hinihinalang hired killers sa ikinasang anti-crime operations ng mga awtoridad sa Sampaloc, Maynila.

Ayon kay Senior Inspector Edward Fuggan ng Sampaloc Police, nakatanggap sila ng tip na may armadong lalaki ang nakatambay sa G. Tuazon Street.

Dahil dito, hinuli ang isa sa mga suspek na kinilalang si Apolonio Flores.


Aniya, nadiskubre sa cellphone nito ang mga mensahe na nag-uutos sa magiging kilos nito.

Pag-amin ng suspek, target nila ang mga hindi nagbabayad o nagre-remit sa bentahan ng droga o mga dawit sa Onsehan sa Maynila at Caloocan.

Matapos nito, naaresto naman sa Balut, Tondo ang umano’y middleman ng grupo sa isang follow-up operation.

Narekober sa kaniya ang baril, granada, mga cellphone at kotseng ginagamit nito.

Sa imbestigasyon, P20,000 ang bayad sa mga suspek sa kada taong matutumba nila.

Nahaharap ang dalawang suspek sa illegal possession of firearms, ammunition and explosives, maging sa Omnibus Election Code dahil sa paglabag ng ipinapairal na gun ban.

Facebook Comments