
Aabot na sa 245 ang diplomatic protest na inihain ng gobyernong Marcos laban sa pauli-ulit na panghihimasok ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Sa budget hearing sa senado, tinukoy ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Maria Theresa Lazaro na 47 sa bilang na ito ay isinampa ngayong taon at ang pinakahuli ay ang pag-water cannon ng Chinese vessel sa barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc.
Tinanong naman ni Senate subcommittee on Finance Chairperson Imee Marcos kung mayroon pa bang pwedeng gawin ang pamahalaan bukod sa paghahain ng mga diplomatic protest.
Tugon naman ni Lazaro, mayroon silang ginagawang foreign ministry consultations kung saan patuloy ang pakikipagusap ng bansa sa China at mga bilateral meetings ng dalawang bansa.
May target din aniya ang ASEAN Foreign Ministers na mabuo sa 2026 ang Code of Conduct para sa West Philippine Sea, iyon lamang magiging usapin kung ito ba ay magiging binding para sa lahat.
-00-









