
Inanunsiyo ng Department of Energy (DOE) na operational na ang limang renewable energy projects na makapagbibigay ng dagdag na supply ng kuryente sa bansa.
Ayon sa DOE, nasa 128.9 megawatts ang pinagsamang kapasidad ng mga ito na bahagi ng kanilang target na mapaabot sa 25 ang mabuksang renewable energy storage projects bago matapos ang buwan.
Kabilang sa mga bagong bukas na pasilidad ang solar at biomass projects ng Hermosa, Taft, Cordon, at Arayat.
Nasa kabuuang 1,741 megawatts naman ang target ng Energy Department natumakbo ngayong Abril kung saan nasa final stages na anila ng grid integration ang iba pang natitirang proyekto.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, sa pamamagitan nito ay mababawasan ang epekto sa bansa ng pabago-bagong presyo ng imported fuel kasabay ng pagtataguyod ng mas malinis at mas matatag na power system.
Bahagi rin daw ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na madaliin ang 200 power projects sa loob ng 3 taon para patatagin ang supply ng enerhiya sa gitna ng tumataas na demand ng bansa.










