Monday, April 20, 2026

CAAP, nakikipag-ugnayan sa PAL matapos magkaaberya ang flight mula Dumaguete kahapon

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Philippine Airlines (PAL) matapos magkaaberya ang PAL Express flight GAP2544 mula Dumaguete na papuntang Maynila kahapon.

Ayon sa CAAP, patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon matapos maapektuhan ang 175 pasahero.

Kahapon nang makaranas ang eroplano ng pressurization issue—problema sa pagbomba ng conditioned air sa cabin na mahalaga upang makahinga nang maayos ang mga pasahero sa mataas na altitude.

Dahil dito, nagsagawa ng precautionary measure ang flight crew, nagdeklara ng emergency, at agad na dinivert ang aircraft sa Iloilo International Airport.

Ligtas naman itong lumapag dakong alas-4:27 ng hapon at agad na nakababa ang mga pasahero, kabilang ang tatlong sanggol.

Ilan sa mga pasahero ay humiling ng medical assistance na agad namang naibigay ng airport medical personnel.

Facebook Comments