Thursday, April 23, 2026

Legal team ni VP Sara, hinamon na bitbitin ang bise presidente sa impeachment hearing sa halip na dumaldal lang sila sa presscon

Iginiit ni House Committee on Public Accounts Chairperson at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon sa legal team ni Vice President Sara Duterte na tumigil na sa pagdaldal.

Diin ni Ridon, ang dapat gawin ng mga abogado ni VP Sara ay magpakita sa final impeachment hearing ng House Committee on Justice sa April 29 kasama ang ikalawang pangulo.

Reaksyon ito ni Ridon, matapos magsagawa ng press conference ngayong hapon ang legal team ng bise presidente.

Ayon kay Ridon, doon sa impeachment hearing dapat gawin ang kanilang pagtutuos at hindi sa pamamagitan ng paglalabas ng social media statements.

Paliwanag pa ni Ridon, sa impeachment proceedings ang tamang lugar para sagutin ang matitinding isyu laban kay VP Sara tulad ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, bribery, at pagbabanta sa buhay ng pangulo at iba pa.

Facebook Comments