
Isinisi ng Malacañang sa ilang transport companies o TNVS operators ang aberya sa pamamahagi ng ayuda para sa mga TNVS at motorcycle taxi drivers.
Kasunod ito ng ulat ng mahabang pila, nawawalang pangalan sa listahan, at pagkamatay ng isang rider habang naghihintay ng payout.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, maraming driver ang hindi naisama sa listahang isinumite ng kanilang mga kumpanya sa pamahalaan.
Hinala ng Palasyo, may ilang operator na kulang ang idineklarang bilang ng drivers upang makaiwas sa tamang buwis.
Pinayuhan ang mga driver na makipag-ugnayan sa kanilang operator para matiyak na rehistrado sila bago ang susunod na payout.
Samantala, minamadali na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paggamit ng digital system at e-wallets para mas mabilis ang susunod na distribusyon ng ayuda.










