
Positibo ang pananaw ni Senate President pro-tempore Ping Lacson sa isinusulong ng Maharlika Invesment Corporation o MIC na expanded oil storage facility sa bansa kung saan ito ay magkasamang popondohan ng gobyerno at pribadong sektor.
Ayon kay Lacson, isang magandang hakbang ito para maibsan ang posibleng shortage o kakulangan sa ating domestic supply ng langis ngayon mayroon pa ring tensyon sa Middle East.
Gayunman, hindi maiwasan ni Lacson na magkaroon ng pangamba dahil ang MIC ay isang investment entity na nakadisensyo para kumita.
Sa kabilang banda ay makakatulong pa rin ang hakbang ng MIC para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng langis sa bansa bagay na makakatulong para maibaba ang presyo ng produktong petrolyo.
Naunang sinabi ng Department of Energy (DOE) na kahit nagkaroon ng dalawang linggo na tigil-putukan sa pagitan ng US at Iran subalit hindi natin kakayaning bumili ng bumili ng malaking volume ng langis para mapalakas ang reserba ng petrolyo dahil sa limitado ang ating storage facility.










