Tuesday, April 21, 2026

DOLE at NWPC, nilinaw ang kumakalat na maling impormasyon sa isyu ng dagdag-sahod

Naglabas ng pahayag ang Department of Labor and Employment at National Wages and Productivity Commission (NWPC) upang pabulaanan ang kumakalat na maling impormasyon kaugnay ng dagdag-sahod ng mga manggagawa.

Ayon sa DOLE at NWPC, walang katotohanan ang mga kumakalat na larawan at video sa social media na nagsasabing hindi na ipatutupad ang umento sa sahod na naaprubahan na sa ilalim ng batas.

Nilinaw ng mga ahensya na patuloy ang implementasyon ng wage increase sa kabila ng krisis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa ekonomiya.

Giit ng NWPC, kahit tumataas ang presyo ng langis, hindi ititigil ang pagpapatupad ng dagdag-sahod para sa mga manggagawa.

Sa ilalim ng Republic Act No. 6727, ang mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang may kapangyarihang magtakda ng wage increase batay sa kondisyon ng bawat rehiyon.

Sa katunayan, kamakailan lamang ay ipinatupad ang ikalawang bugso ng umento sa minimum wage sa Central Luzon.

Batay sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board, nasa ₱30 hanggang ₱40 ang dagdag-sahod sa pribadong sektor, kaya aabot na sa ₱570 hanggang ₱600 ang arawang sahod sa non-agriculture sector, ₱540 hanggang ₱570 sa agriculture sector, at ₱560 hanggang ₱590 sa retail at service establishments.

Facebook Comments