
Pinalawak ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya nito laban sa hazing sa lahat ng training units ng pulisya sa buong bansa.
Nabatid na ang nasabing kampanya ay nauna nang ipinatupad sa PNP Academy kasunod nang nangyaring hazing incident na kinasasangkutan ng mga kadete sa nasabing Akademya.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi lang ito para sa Philippine National Police Academy (PNPA) kundi ipatutupad ang nasabing reporma sa bawat antas ng pagsasanay ng pulisya, mula sa recruitment hanggang sa mga specialized courses.
Kung saan layon ng nasabing reporma na baguhin ang naging kultura sa loob ng pwersa ng pulisya.
Ayon pa kay Nartatez, pinaiigting na rin ng PNP ang kanilang internal monitoring kung saan magkakaroon ng mga random inspections at mas striktong pananagutan sa mga training directors dahil ang kapatiran ay hindi excuse para gumawa ng karahasan.
Samantala, binigyang-diin muli ni Nartatez na walang lugar ang hazing sa pwersa ng kapulisan.










