
Pormal nang inilipat ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III kay Singapore Parliament Speaker Seah Kian Peng ang presidency ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA).
Isinagawa ito sa closing ceremony ng 47th AIPA General Assembly kahapon kung saan lumagda sina Speaker Dy at Speaker Seah ng Instrument of Transfer bago ibinigay ng Pilipinas ang AIPA gavel at watawat sa kanilang Singaporean counterpart.
Ayon kay Dy, karapat-dapat ang Singapore para sa AIPA presidency at maging host ng 48th General Assembly na kasabay din ng golden anniversary nito simula ng itatag noong 1977.
Tiniyak din ni Dy ang patuloy na kooperasyon ng Pilipinas sa pagtupad ng Singapore sa responsibilidad bilang susunod na mangunguna sa AIPA.
Binati naman ni Speaker Seah si Speaker Dy at ang Philippine Congress sa matagumpay na hosting ng 47th General Assembly.
Ayon kay Seah, ang AIPA Presidency ng Pilipinas ay naglatag ng mataas na pamantayan na dapat sundan o tularan ng Singapore lalo na ang mainit na pagtanggap at kabutihan na ipinamalas sa kanila ng mga Pilipino.










