Wednesday, November 18, 2026

Malalaking isyu sa code of conduct sa South China Sea, napagkasunduan na ayon kay PBBM

Napagkasunduan na ang karamihan sa malalaking isyu sa pagbuo ng Code of Conduct o COC sa South China Sea, at nasa 85 hanggang 90 porsiyento na itong kumpleto.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ikinatuwa niya ang malaking progreso sa negosasyon ng ASEAN at China, bagaman hindi ito tuluyang matatapos sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN ngayong taon, gaya ng kanilang inaasahan.

Paliwanag ng Pangulo, ang natitira na lamang ay ang paglilinaw sa mga depinisyon at terminong gagamitin upang matiyak na pare-pareho ang interpretasyon ng lahat ng bansang sakop ng kasunduan.

Muling pinagtibay ng ASEAN at China ang kanilang pangakong ipagpatuloy ang negosasyon hanggang sa makumpleto ang COC, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

Layunin ng kasunduan na magtakda ng malinaw at epektibong mga panuntunan sa pag-uugali ng mga bansang may interes sa South China Sea.

Habang hindi pa natatapos ang COC, magpapatuloy muna ang pagsunod ng ASEAN at China sa umiiral na Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.

Facebook Comments