Tuesday, May 26, 2026

ANIM NA BUWANG SANGGOL, SUGATAN SA ISANG BANGAAN SA BINALONAN

Sugatan ang isang anim na buwang gulang na sanggol at tatlong iba pa matapos umanong masagasaan ng isang SUV ang motorsiklo at tricycle sa kahabaan ng provincial highway sa Brgy. San Felipe Central, Binalonan, Pangasinan noong Abril 8, 2026.

Batay sa paunang imbestigasyon, habang binabaybay ng mga ito ang kalsada, bigla umanong nasagasaan ng isang SUV na minamaneho ng 59-anyos na lalaki ang isang motorsiklong nasa shoulder lane.

Hindi natapos dito ang insidente dahil tuluy-tuloy pa umano itong bumangga sa isang nakaparadang tricycle at sumalpok sa steel arc ng barangay.

Sugatan ang driver ng SUV at ang 22-anyos na babaeng rider ng motorsiklo kasama ang kanyang dalawang back rider—isang 45-anyos na babae at ang anim na buwang sanggol—na kapwa walang suot na helmet.

Lahat ng sangkot ang dinala sa ospital para sa agarang lunas.

Ayon sa pulisya, lumalabas na wala umanong lisensya sa pagmamaneho ang mga driver ng SUV at motorsiklo.

Dinala sa Binalonan Municipal Police Station ang mga sangkot na sasakyan habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala at isinailalim sa karampatang disposisyon ang insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments