Thursday, April 23, 2026

ANTI-BASTOS LAW, TINALAKAY NG PULISYA SA MGA BARANGAY SA SAN CARLOS CITY

Binigyang-diin ang pagpapatibay ng kaayusan at disiplina sa komunidad sa isinagawang orientation at information drive noong Abril 22, 2026 para sa mga community frontliners sa Brgy. Anando, San Carlos City.

Layunin ng aktibidad na tiyakin ang mas epektibong pagpapatupad ng mga batas at lokal na ordinansa sa antas ng barangay.

Tampok sa talakayan ang Republic Act 11313 o Anti-Bastos Law (Safe Spaces Act), kung saan ipinaalala ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga indibidwal laban sa anumang uri ng harassment sa pampublikong lugar.

Kasabay nito, muling binigyang-linaw ang mga umiiral na patakaran tulad ng curfew para sa mga menor de edad, limitasyon sa paggamit ng videoke hanggang alas-10:00 ng gabi, pagbabawal sa paglabas nang walang pang-itaas sa mga pampublikong lugar, at ang restriksyon sa pag-inom ng alak sa mga kalsada.

Lumahok sa aktibidad ang mga kasapi ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) at Barangay Health Workers (BHW), na itinuturing na mahalagang katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa komunidad. Sa pamamagitan ng naturang orientation, inaasahang mas magiging handa ang mga frontliners sa pagpapatupad ng mga regulasyon at sa paggabay sa mga mamamayan tungo sa responsableng pamumuhay.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na hakbang upang maisulong ang isang ligtas, disiplinado, at maayos na komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments