Wednesday, September 2, 2026

Atty. Michael Poa, kinumpirma na walang ibinigay na confidential funds ang DepEd sa AFP

Kinumpirma ni Atty. Michael Poa na walang ibinigay na pondo ang Department of Education (DepEd) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular sa Philippine Army para sa pagsasagawa ng Youth Leadership Summit (YLS) noong 2023.

Ito ang inamin ni Poa sa naging pagtatanong ni prosecution lawyer Atty. Jay Tolosa kung totoong walang pondong ibinigay kahit na piso ang DepEd sa AFP para maisagawa ang mga youth leadership summit.

Nilinaw rin ni Poa na kung ang pinatutungkulan ba ni Tolosa na walang ibinigay sa AFP ay ang confidential funds na siyang kinatigan naman ng prosekusyon.

Matatandaang kahapon ay sinabi nina Army Col. Manaros Boransing at Army Col. Magtanggol Panopio na walang natanggap na anumang confidential funds ang kanilang unit para sa pagsasagawa ng Youth Leadership Summit.

Pinagtibay rin ng pag-amin ni Poa ang naunang pahayag ng dalawang military officers na hindi nila alam na gagamitin ang inisyu nilang certifications para sa liquidation ng confidential funds ng DepEd.

Sinabi pa ni Poa na totoong humingi siya ng accomplishment report kay dating Usec. Nolasco Mempin para maipakita ang proof of success ng mga aktibidad na iuugnay nila sa paggamit ng confidential funds.

Si Mempin din ang humingi ng certifications sa dalawang military officers na siyang ginamit para sa liquidation ng confidential funds gayunman maging si Mempin ay walang personal knowledge sa paggamit ng DepEd sa nasabing pondo.

Maliban dito ay inamin ni Poa sa direct-examination ni Tolosa na unang pagkakataon niyang narinig sa pagdinig ng Kamara na may security officer na pinagbigyan si dating DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda ng confidential funds sa katauhan ni Col. Dennis Nolasco.

Hindi rin niya alam kung ano ang papel ni Nolasco sa disbursement ng confidential funds at hindi rin niya alam na mayroong security officer noong inihanda niya ang reply para sa audit observation memorandum (AOM) ng Commission on Audit (COA) para sa liquidation ng DepEd confidential funds.

Facebook Comments