Wednesday, September 2, 2026

𝗣𝗨𝗕𝗟𝗜𝗖 𝗦𝗘𝗖𝗨𝗥𝗜𝗧𝗬 𝗡𝗚𝗔𝗬𝗢𝗡𝗚 𝗕𝗘𝗥 𝗠𝗢𝗡𝗧𝗛𝗦, 𝗧𝗨𝗧𝗨𝗧𝗨𝗞𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔 𝗖𝗢𝗣𝗦

Ilagan City — Sa pagpasok ng “Ber Months”, inaasahan ang pagdagsa ng mga indibidwal sa pampublikong lugar kaya naman mas paiigtingin ng Isabela Police Provincial Office ang mga hakbang sa seguridad sa buong lalawigan.

Ayon sa Isabela PPO, inaasahang magiging mas matao ang mga pamilihan, terminal, commercial establishments at iba pang lugar na dinarayo ng publiko sa mga susunod na buwan. Dahil dito, maaari ring samantalahin ng mga kawatan at iba pang kriminal ang dagsa ng mga tao upang magsagawa ng kanilang mga modus.

Kaugnay nito, palalakasin ng kapulisan ang police visibility, preventive patrols at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, barangay officials, business establishments at iba pang katuwang na ahensya.

Bahagi ito ng pagsusulong ng Safer Cities at Safer Communities Campaign, na layong mapanatili ang seguridad sa mga pangunahing pampublikong lugar at komunidad.

Pinapayuhan naman ang publiko na maging mapagmatyag laban sa mga karaniwang krimen gaya ng snatching, pickpocketing, pagnanakaw at burglary, lalo na sa mga lugar na maraming tao.
Hinihikayat ang mga mamamayan na huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa pampublikong lugar o sa loob ng sasakyan na madaling makita. Mahalaga rin umanong tiyaking nakakandado ang mga bahay at establisimyento, partikular kapag walang tao.

Nagbabala rin ang pulisya laban sa mga kahina-hinalang online transaction at iba pang modus na gumagamit ng social media at teknolohiya. Paalala ng mga awtoridad na maging mapanuri bago magbigay ng personal na impormasyon o makipagtransaksyon online upang hindi mabiktima ng panloloko.

Ayon kay Police Colonel Manuel B. Bringas, Provincial Director ng Isabela PPO, mahalaga ang pagtutulungan ng pulisya at komunidad upang agad na matukoy at mapigilan ang anumang banta sa seguridad, lalo na ngayong mas nagiging abala ang publiko sa paghahanda para sa Kapaskuhan.

Hinimok nito ang mga Isabelino na manatiling alerto, mag-ingat sa mga posibleng modus ng mga kriminal at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

Facebook Comments