Monday, August 24, 2026

‎PAGBUO NG ANCESTRAL DOMAIN SUSTAINABLE DEVELOPMENT AND PROTECTION PLAN SA CABUGAO, ILOCOS SUR, ISINAGAWA

‎Binigyang-halaga rin ang katutubong kaalaman, prayoridad at mga adhikain ng Indigenous Cultural Communities (ICCs) at Indigenous Peoples (IPs) sa Cabugao, Ilocos Sur sa isinagawang validation ng draft Ancestral Domain Sustainable Development and Protection Plan o ADSDPP.

‎Isinagawa ng ADSDPP Team ang presentation at validation ng mga inihandang plano noong August 20 sa Nagsincaoan, kung saan aktibong nakilahok ang mga miyembro ng katutubong pamayanan sa pagsusuri ng mga nilalaman nito.

‎Ipinaliwanag ang mga output sa katutubong wika ng komunidad upang matiyak ang malinaw na pag-unawa ng lahat ng kalahok sa mga nakapaloob sa plano.

‎Sa pamamagitan nito, nabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng komunidad na magbigay ng komento, paglilinaw at pagpapatibay sa mga impormasyong nakapaloob sa ADSDPP batay sa kanilang sariling kaalaman at pananaw.

‎Nais ng naturang proseso na matiyak na ang plano para sa sustainable development at proteksiyon ng ancestral domain ay hindi lamang nagmumula sa mga inihandang dokumento kundi nakabatay rin sa aktuwal na pangangailangan at kolektibong pananaw ng mga katutubong pamayanan.

‎Sa pagtatapos ng aktibidad, sumailalim sa validation ng komunidad ang mga iniharap na output upang matiyak na tapat na sumasalamin ang ADSDPP sa kanilang sama-samang pananaw at mga layunin sa kaunlaran.

‎Saklaw ng plano ang mga katutubong pamayanan sa Sisim, Catucdaan, Maradodon at Nagsincaoan sa bayan ng Cabugao. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments