BUBONG AT KABLE NG KURYENTE SA ILANG BAYAN SA ILOCOS SUR, NASIRA NG MALAKAS NA HANGIN

Apat na bayan sa Ilocos Sur ang nakapagtala ng pinsala sa mga ari-arian matapos makaranas ng malalakas na hangin at buhawi noong Agosto 31 at Setyembre 1, 2026.

Kabilang sa mga apektadong bayan ang Bantay, Sta. Catalina, San Vicente at Caoayan, kung saan ilang bubong ang natanggal o tinangay ng malakas na hangin.

May mga naiulat ding nabuwal na electrical posts at wires, gayundin ang mga naputol at nabuwal na puno at sanga.

Sa Sta. Catalina, kabilang sa mga naapektuhan ang Barangay Tamorong, Paratong at Suvec, habang sa Caoayan, naiulat ang pinsala sa Barangay Nansuagao at Naguillian.

Sa Bantay naman, kabilang sa mga apektadong lugar ang Barangay Paing at Taleb.

Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa mga insidenteng ito.

Agad namang nagsagawa ng assessment at clearing operations ang mga tauhan ng pulisya, disaster response teams, Bureau of Fire Protection at mga opisyal ng barangay sa mga apektadong lugar.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang lawak at halaga ng pinsala sa mga ari-arian. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments