MGA DUMAYONG DEBOTO AT TURISTA SA MANAOAG BASILICA SA LOOB NG 10 BUWAN, UMABOT 8.5 MILYON

Patuloy na kinikilala ang Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag bilang isa sa mga pangunahing destinasyon ng relihiyosong turismo sa Pilipinas matapos ang naitalang higit 8.5 milyong deboto at turistang bumisit mula Enero hanggang Oktubre 2026.

Batay sa naitalang datos, umabot sa 8,567,018 ang bilang ng mga bisitang nagtungo sa basilica sa loob ng nasabing sampung buwan, patunay ng patuloy na kahalagahan nito bilang sentro ng pananampalataya at peregrinasyon sa Hilagang Luzon.

Kilala rin bilang Apo Baket, ang imahen ng Mahal na Birhen ng Manaoag ay nagmula pa noong unang bahagi ng ika-17 siglo at patuloy na pinagmumulan ng debosyon at pananampalataya ng mga Katolikong Pilipino sa loob ng maraming henerasyon.

Noong Abril 21, 1926, pormal na kinoronahan ang banal na imahen, habang itinaas naman sa ranggong Minor Basilica ang dambana noong 2014.

Noong Disyembre 2015, kinilala rin ito bilang National Cultural Treasure dahil sa mahalagangambag nito sa kasaysayan, kultura, at pamana ng bansa.

Bukod sa pagiging mahalagang lugar ng pananalangin at debosyon, nakatutulong din ang patuloy na pagdagsa ng mga bisita sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bayan ng Manaoag.

Nagbubukas ito ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga residente, gayundin ng karagdagang kita para samaliliit na negosyante, tindero, transport operators, at iba pang sektor na nakikinabang sa turismo.

Sa patuloy na pagdami ng mga deboto at turista, nananatiling mahalagang simbolo ang Our Lady of Manaoag hindi lamang ng matibay na pananampalataya ng mga Pilipino kundi maging ng potensiyal ng relihiyosong turismo sa pagpapalago ng lokal na ekonomiya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments