Balik na sa regular na onsite class schedule ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa bayan ng Bani simula November 26, 2026, matapos ilabas ang Executive Order No. 47, Series of 2026.
Sa ilalim ng bagong kautusan, pansamantalang sinuspinde ang Executive Order No. 45, s. 2026 na nagpatupad noon ng maagang pasok sa mga paaralan.
Inaprubahan ang hakbang na ito bilang tugon sa kahilingan ng mga school heads, prinsipal, at ng Public Schools District Supervisor ng Bani District sa ilalim ng Department of Education (DepEd) Region I.
Layunin ng pagbabalik sa regular na iskedyul na maiwasan ang learning loss at matugunan ang pagod na nararanasan ng mga mag-aaral at guro dahil sa alas-sais ng umaga (6:00 AM) na pasok, lalo na ngayong nakararanas na ng mas malamig na panahon.
Inaasahang makatutulong ang pagbabagong ito upang mas maging epektibo at komportable ang pag-aaral at pagtuturo sa buong distrito.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










