Monday, October 12, 2026

Buwaon remark ni PBBM, hindi direktang tumutukoy kay VP Sara kundi sa pahayag tungkol sa 2028 elections

Tila nabigla si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang malamang naibahagi sa media ang pribado niyang komento tungkol sa alegasyong may kaugnayan sa 2028 elections.

Sa press conference sa Singapore, tinanong ang pangulo tungkol sa pagtawag niyang “buwaon” o sinungaling, kay Vice President Sara Duterte.

Sa halip na direktang sagutin ang tanong, bumaling ang pangulo kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro at bahagyang sinita ang opisyal kung bakit nito ibinahagi sa media ang kanilang pribadong pag-uusap.

Ayon sa pangulo, ang komento ay reaksyon sa alegasyong pinakikialaman niya ang Konstitusyon kaugnay ng 2028 elections, at hindi direktang pagtawag kay Duterte na sinungaling.

Hindi rin ito opisyal na pahayag ng Palasyo.

Pabiro ring sinabi ni Marcos kay Castro na mag-uusap sila ng personal habang agad namang humingi ng paumanhin ang opisyal.

Samantala, tinawag na fake news ng pangulo ang mga alegasyong walang sapat na batayan at hinamon ang mga naglalabas ng mga ito na magpakita ng ebidensya.

Facebook Comments