
Handa na ang Cebu sa pagdaraos ng ika-48 ASEAN Summit, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Sa inilabas na abiso, sinabi ng PCO na plantsado na ang seguridad, traffic management, at mga venue para sa high-level meetings na gaganapin mula May 7 hanggang 8.
Ayon sa mga lokal na opisyal, magkakaroon ng pansamantalang traffic adjustments sa ilang pangunahing kalsada na itatalaga bilang “ASEAN lanes.”
Kabilang dito ang Manuel L. Quezon National Highway mula Mactan-Cebu International Airport hanggang Jpark Island Resort, gayundin ang Punta Engaño Road patungong Dusit Thani Resort.
Ipapatupad lamang ang mga naturang lane habang dumaraan ang convoy ng mga delegado at agad ding ibabalik sa normal ang daloy ng trapiko matapos ang kanilang pagdaan.
Samantala, pansamantalang isasara ang ilang kalsada sa Mactan Newtown mula May 5 hanggang 8, kabilang ang Peninsula Drive, Convention Drive, at Angasil Road.
Mananatili namang bukas ang dalawang pangunahing tulay na nag-uugnay sa Lapu-Lapu City at mainland Cebu sa buong panahon ng summit.










