
Inaasahang tataas ang presyo ng bigas pagsapit ng Setyembre.
Sa pagdinig ng PROTECT Committee, tinanong ni Senator Bam Aquino kung anong mga agricultural products ang posibleng tumaas ang presyo sa Hulyo o Agosto bunsod pa rin ng epekto ng pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., posibleng tumaas ang presyo ng bigas sa P60 hanggang P62 kada kilo sa susunod na harvest season sa Setyembre dahil sa pagtaas ng presyo ng fertilizer mula sa P1,650 na ngayon ay nasa P3,000.
Tiyak aniyang tataas ang presyo sa bigas kung hindi gagamit ang mga magsasaka ng alternative fertilizer na iminumungkahi ng DA.
Pinag-aaralan naman ng ahensya na mapanatili ang mababang presyo ng bigas sa pamamagitan ng “rice blend” at “corn blend”.
Paliwanag ni Laurel, ang rice blend ay paghahalo ng imported na bigas sa local rice o 70-30/60-40 para parehong masuportahan ang lokal na bigas ng mga magsasaka at imported rice habang ang corn blend naman ay 50-50 na white corn at bigas.
Sinabi pa ng Kalihim na isang linggo na niyang kinakain ang pinaghalong mais at kanin at para sa kanya, maayos naman ang lasa at halos hindi mo masasabi na may pinag-iba.










