
Labis na nakakabahala para kay House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang lumalalang karahasan sa lalawigan ng Negros kung saan patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga nasasawi.
Dahil dito, nakiisa si De Lima sa panawagang magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa operasyon ng Philippine Army 79th Infantry Battalion sa Toboso, Negros Occidental.
Sa naturang operasyon, 19 ang nasawi kabilang ang estudyante ng University of the Philippines na si Alyssa Alano at community journalist na si RJ Ledesma.
Giit ni De Lima, hindi maaaring basta na lamang isantabi ang insidenteng ito, tulad ng nangyaring pagkasawi ng siyam na magsasaka sa Sagay City noong 2018.
Binigyang-diin pa niya na sa pagsisikap ng militar na makamit ang kapayapaan at kaayusan sa bansa, hindi dapat kinukunsinti ang karahasan at matitinding paglabag sa karapatang pantao at mga umiiral na batas.










