Thursday, April 30, 2026

2 indibidwal, arestado sa umano’y ilegal na botox at glutathione treatment sa Isabela

Arestado ang dalawang babae matapos ang operasyon ng CIDG Isabela Provincial Field Unit, katuwang ang Food and Drug Administration (FDA) at Business Permit and Licensing Office, sa Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang mga suspek na alyas “Maya” at “Minda” na umano’y nagsasagawa ng botox at glutathione treatment nang walang kaukulang lisensya.

Ayon sa ulat, inaalok umano ang mga naturang procedure sa halagang ₱15,000 at ₱3,500 kada session.

Nabigo rin ang mga suspek na magpakita ng lisensya para sa pagsasagawa ng medical procedures, at natuklasang hindi rin sila lisensyadong doktor at walang Certificate of Registration mula sa Board of Medical Examiners.

Nakumpiska sa operasyon ang mga botox vials, syringes na may laman na substance, scalp vein sets, saline solution, at iba pang medical paraphernalia.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 2382 o Medical Act of 1959 at Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.

Facebook Comments