CIDG, hawak na ang walong kaso hinggil sa nawawalang mga sabungero

Iniimbestigahan na ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang walong pormal na kaso ng nawawalang mga sabungero.

Ayon kay CIDG Director Police Brigadier General Eliseo Cruz, hawak na nila ang walong kaso, na kabilang sa 34 na nawawalang sabungero mula Abril 18, 2021 hanggang Enero 13, 2022.

Aniya, tatlong saksi ang lumutang kaugnay ng pagkawala ng anim na sabungero noong Enero 13, 2022 sa Manila Arena.


Kinilala ng isa mga saksi ang anim na suspek habang ang dalawa ay pinangalanan ang dalawa pang sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.

Sinabi rin ni Cruz na mayroon silang kopya ng CCTV footage at telecommunication subscribers’ information na susuporta sa mga testimonya ng mga testigo.

Nauna nang naghain ng mga kaso ng kidnapping at serious illegal detention ang CIDG sa Department of Justice (DOJ) laban sa walong suspek na sangkot sa pagkawala ng anim na sabungero.

Facebook Comments