
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi madadamay ang bansa sa gyera sa pagitan ng Estados Unidos at Iran at hindi rin magagamit na taguan ng mga malalakas na armas ang mga EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) sites sa bansa.
Sa budget deliberation ng DFA sa Senado, tinanong ni Senator Robinhood Padilla ang DFA kung hindi ba dapat mangamba ang Pilipinas sa mga EDCA sites na posibleng madamay sa gulo dahil inaatake sa Middle East ang mga base militar ng US doon.
Paliwanag ni Senator Erwin Tulfo, sponsor ng DFA budget, ang mga EDCA sites ay hindi mga base militar kundi mga training areas kung saan dito isinasagawa ang mga pagsasanay ng militar sa relief operations at emergency response.
Bukod dito, nag-i-inspeksyon din sa mga EDCA sites ang Presidential Commission of Visiting Forces sa ilalim ng DFA at kasama sa kasunduan na bawal magpasok o gawing imbakan ng mga malalaking armas ang mga EDCA sites.
Kasama rin sa kasunduan na hindi dapat mag-iwan ng mga gamit, eroplano, at helicopter sa EDCA sites at nakasentro lamang ito bilang isang training center.










