
Walang plano ang Commission on Elections (COMELEC) na palawigin pa ang voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na isasagawa sa November 2, 2026.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, wala nang extension ang pagpaparehistro at sa Monday, May 18, 2026 na ang huling araw nito.
Bagama’t walang operasyon ang COMELEC tuwing Monday dahil sa work-from-home arrangement bilang suporta sa national policy on energy conservation, bubuksan naman nila ang lahat ng tanggapan ng COMELEC, satellite o mall registration sites sa nasabing araw para sa mga hahabol magparehistro.
Para sa mga nais pa magpaparehistro, bukas ang mga opisina ng COMELEC simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon kahit pa ngayong sabado.
Kinakailangan lamang magdala ng isang valid government-issued ID dahil hindi tatanggapin ang cedula, barangay-issued certificate, at barangay ID.
Batay sa huling datos ng COMELEC, aabot na sa halos 5,000,000 ang nagparehistro para sa eleksyon na nagsimula noong October 20, 2025.
Karamihan sa mga nagparehistro ay mula sa CALABARZON, Central Luzon, at National Capital Region (NCR).










