
Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang STATE 101 Travel Visa Consultancy sa Pasig City dahil sa umano’y ilegal na pagre-recruit nito ng mga Pinoy caregiver patungong Amerika.
Ayon sa DMW, walang lisensya at wala ring aprubadong job orders ang naturang travel visa consultancy para mag-recruit at mag-deploy ng mga Filipino worker overseas patungong US.
Sa isinagawang operasyon ng DMW, naharang ng mga awtoridad ang dalawang dating OFW applicant na magsusumite na sana ng kanilang mga dokumento.
Nabatid na nakapagbayad na rin ang dalawang aplikante ng placement at processing fees sa consultancy firm.
Natuklasan din ng DMW na pinapagamit umano ng nasabing consultancy firm ang mga aplikante ng tourist visa at pinapangakuan ng buwanang sahod na USD 1,800 hanggang USD 9,800.
Gayunman, hinihingian umano sila ng ₱150,000 para sa documentation at processing fees.










