Patuloy ang pag-akyat ng COVID-19 reproduction number at positivity rate sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, tumaas sa 1.29 ang reproduction number sa Metro Manila nitong June 6, na ikinokonsidera na niyang “high” kumpara sa 1.15 na naitala noong May 31.
Malaki rin aniya ang itinaas ng positivity rate na ngayon ay nasa 2.2% as of June 8 mula sa 1.5% na naitala noong nakaraang linggo.
Bukod dito, tumaas din ng 28% ang seven day average ng mga bagong kaso ng COVID-19, maging ang hospital bed occupancy na ngayon ay nasa 1,520 o 24% mula sa 1,372 o 21% noong June 5.
Bunsod nito, nababahala si David sa sitwasyon ng COVID-19 sa Metro Manila lalo na’t malaki ang itinaas ng mga bilang sa loob lamang ng isang linggo.
Payo nito sa publiko, sumunod pa rin sa mga ipinapatupad na health protocol at huwag magpakakumpiyansa dahil sa banta ng mga subvariant ng Omicron na BA.1.12.1, BA.4 at BA.5.