
Personal na humarap ngayong araw sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kilalang showbiz columnist at host na sina Cristy Fermin at Rommel Chika upang tumugon sa ipinadalang subpoena ng ahensiya.
Nagmula ang nasabing subpoena sa reklamo at imbestigasyong isinagawa ng NBI kaugnay ng mga naging kontrobersyal na pahayag at usapin sa kanilang online showbiz program laban sa aktres na si Claudine Barretto.
Ayon sa kampo nina Fermin at Chika, kaisa sila sa pagsunod sa proseso ng batas at ipinauubaya na sa kinauukulan kung may makitang merito sa isinampang reklamo ni Barretto laban sa kanila.
Tumugon din si Fermin sa naging “Happy Halloween” na pagbati ni Claudine Barretto nang ihain sa kanila ang kaso.
Ayon kay Fermin, nagpapatuloy pa rin ang kanilang mga programa sa kabila ng kinahaharap na kaso at parte na raw talaga ng trabaho ang paraan ng kanilang pagho-host, na siyang ikina-offend naman umano ni Barretto.
Samantala, patuloy naman ang pagsusuri ng NBI sa mga isinumiteng pahayag at dokumento ng magkabilang panig bago maglabas ng opisyal na rekomendasyon o resolusyon sa kaso.










