
Ikinatuwa ng Office of the Ombudsman ang inilabas na resolusyon ng Sandiganbayan 5th Division, na nagdedeklara kina Timojen Sacar, Anthony Ngo, at Consuelo Aldon bilang “pugante”.
Kasunod ito ng hiling sa korte ng prosekusyon laban sa mga nabanggit na pangalan, kasabay na rin ng hiling na kanselahin ang kanilang mga pasaporte.
Matatandaang kapuwa akusado ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, at iba pang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Sunwest Construction and Development Corporation ang mga nabanggit na indibidwal, para sa kasong graft at malversation, kaugnay pa rin ng umanoy anomalya sa P289.5-million road dike project sa Mag-Asawang Tubig River sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa isang pahayag, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, na magbibigay ang resolusyon ng karagdagang legal at.diplomatic options sa pamahalaan, para sa pagpapauwi sa mga akusado para harapin ang mga kaso.
Sa ngayon, tinutugis na ang nasabing mga indibidwal, matapos maglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban sa mga akusado.










