Friday, November 20, 2026

Rehabilitasyon ng ilang istasyon ng MRT-3, sisimulan sa January 2027

Inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na sisimulan na sa susunod na taon ang rehabilitasyon ng apat hanggang limang istasyon ng MRT-3.

Ayon sa kalihim, partikular na isasailalim sa rehabilitasyon ang mga istasyon ng MRT-3 sa North Avenue, Kamuning, Cubao, at Shaw Boulevard. Kalaunan ay isasama rin ang Taft Avenue, na may tig-P150 million na budget kada istasyon.

Layon nito na maging “modernized” o maging katulad ang mga nabanggit na istasyon sa MRT-3 Quezon Avenue, na may ventilation, maaliwalas, may Person with Disability facilities, maayos at malinis na CR, gumaganang elevator, at automated na istasyon, kung saan hindi na security personnel ang magsasalita sa mikropono kapag sasakay o bababa ang mga komyuter sa tren.

Sisimulan ang pagsasaayos ng mga istasyon sa Kamuning at North Avenue sa January 2027 at kaya umanong matapos sa loob ng anim na buwan. Kung kaya’t posible umanong masimulan ang dalawa pang istasyon bandang Hunyo, habang ang iba naman ay sisimulan bago ang huling mga buwan ng taong 2027.

Samantala, tiniyak naman ng kalihim na matatapos ang rehabilitasyon ng mga istasyon ng MRT-3 bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Facebook Comments