
Pinaalalahanan ni Senate Impeachment Court presiding officer Chiz Escudero ang Public Relations and Information Bureau (PRIB) ng Senado na maging maingat sa livestreaming ng impeachment trial.
Kaugnay ito sa nangyari kanina bago magsimula ang paglilitis kung saan habang nasa kalagitnaan ng pagdarasal sa pangunguna ni Senator-judge Alan Peter Cayetano ay nakapukaw ng pansin sa publiko ang transition na tila may apoy.
Giit ni Escudero, hindi katanggap-tanggap at hindi tama ang naturang flame effects sa impeachment proceedings kaya dapat maging mas maingat sila rito.
Inatasan din ng presiding officer ang Clerk of Court na alisin at i-edit mula sa records ng impeachment court ang naturang transition effects.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Senate-PRIB sa aksidenteng transition effects na lumabas sa livestream ng Impeachment Court.
Sa inilabas na statement ng PRIB, ang naturang insidente ay bunsod ng hindi inaasahang technical issue sa gitna ng broadcast ng paglilitis at lubos nilang pinagsisisihan ang nangyari.
Humingi naman ang PRIB ng pangunawa sa publiko dahil kasalukuyan silang nag-a-upgrade ng mga kagamitan at kasalukuyan ding sumasailalim sa retraining at upskilling ang mga technical staff para mapalakas ang kalidad ng broadcast media coverage.










