Mas dumami ang mga pasaherong dumadagsa ngayon sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Sa Laging Handa public briefing sinabi ni Bryan Co, Senior Assistant Manager ng Manila International Airport Authority o MIAA na mula nitong nakalipas na araw ng Lunes sumampa na sa 125,000 kada araw ang dagsa ng pasahero sa NAIA.
Mataas ito kung ikukumpara ng nakaraang buwan ng Nobyembre na umaabot sa 100,000 kada araw ang dagsa ng mga pasahero.
Ayon kay Co, 95 percent ang dami ng pasahero ngayon holiday season matapos ang dalawang taong COVID-19 pandemic na kung saan lumamya ang aktibidad ng mga paliparan.
Inaasahan ni Co na magtutuloy-tuloy ang 125,000 pasahero kada araw sa NAIA hanggang matapos ang taong 2022 at aabot sa kabuuang 3.2 million passengers ang maitatala ng MIAA para sa buong taon ng 2022.
Ayon kay Co, karamihan sa gumagamit ng NAIA ay mga parating galing ibang bansa katulad ng USA, Canada at Middle East habang ang dumami rin ang mga bumabyahe patungo sa mga lalawigan.
Para naman patuloy na masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero patuloy raw na nakikipag-ugnayan ang MIAA sa kanilang mga stakeholder katulad ng mga airline, security agency, Bureau of Immigration at iba pa.