Patuloy na inilalapit ng Commission on Elections (COMELEC) Dagupan City ang serbisyo sa mga mamamayan sa pamamagitan ng Project H.O.M.E. matapos magsagawa ng panibagong home-based voter registration para sa siyam (9) na Senior Citizens at Persons with Disabilities (PWDs) sa Barangay Bonuan Gueset noong Nobyembre 26, 2026.
Sa isinagawang home visits, personal na pinuntahan ng mga tauhan ng COMELEC Dagupan City ang mga benepisyaryo upang maproseso ang kanilang aplikasyon sa pagpaparehistro bilang botante, lalo na ang mga nahihirapang bumiyahe patungo sa tanggapan ng COMELEC dahil sa edad, karamdaman, o kapansanan.
Kabilang sa mga napaglingkuran ang isang senior citizen na nagpapagaling mula sa operasyon sa mata at dati nang nakaranas ng stroke, isang PWD na sumasailalim sa regular na dialysis, gayundin ang iba pang indibidwal na may kapansanan sa pandinig, paningin, at pagkilos.
Sa pamamagitan ng Project H.O.M.E. o Home-Based Outreach for Marginalized Electorate, hindi na kinakailangang magtungo pa sa tanggapan ng COMELEC ang mga kwalipikadong senior citizens at PWDs upang makapagparehistro. Sa halip, direktang dinadala sa kanilang mga tahanan ang kinakailangang serbisyo.
Ayon sa COMELEC Dagupan City, hindi dapat maging hadlang ang edad, kapansanan, o pisikal na limitasyon upang maisakatuparan ng isang mamamayan ang kaniyang karapatang bumoto.
Hinikayat din ng tanggapan ang publiko na ipagbigay-alam ang mga kwalipikadong senior citizen at PWD na maaaring makinabang sa naturang serbisyo upang mas mawrami pang mamamayan ang maabot ng programa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










