Thursday, September 3, 2026

Dalawa pang opisyal ng militar, hindi na ipiprisenta ng prosekusyon bilang mga testigo sa impeachment trial

Nagpasya ang House Prosecution Panel na huwag nang ipresenta sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang dalawang pang testigo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na sina Lt. Col. Carlos Sandaan Jr. at retired Maj. Gen. Adonis Bajao.

Paliwanag ni House Prosecutor Manila Rep. Joel Chua, sapat na ang naging testimonya sa paglilitis nina Col. Manaros Boransing II and Col. Magtangol Panopio.

Kapwa inilahad nina Boransing at Panopio na wala silang natanggap na confidential funds mula sa Department of Education (DepEd) para sa mga isinagawang serye ng Youth Leadership Summits (YLS) at information education communication activities noong 2023.

Taliwas ito sa ginawa ng DepEd na pagsusumite sa Commission on Audit (COA) ng mga military certificates hinggil sa nabanggit na mga aktibidad.

Lumalabas kasi na ang military certificates ay ginamit ng DepEd sa liquidation report para sa halagang P15.54 million na bahagi ng confidential funds ng DepEd sa panahong si VP Duterte ang kalihim nito.

Ayon kay Chua, ang pagbabawas ng prosecution ng testigo ay bahagi pa rin ng mga hakbang nito na mapabilis o mapaiksi ang panahon ng impeachment trial upang makamit ang target na sa December ay makapagbigay na ng hatol ang Senate Impeachment Court.

Facebook Comments